Pumunta sa nilalaman

Ambulansiya

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Isang ambulansiyang panlupa.
Isang ambulansiyang bangka sa Venice.
Isang ambulansiyang helikopter.
Isang sinaunang ambulansiya na hinihila at tinutulak lamang ng mga tao.

Ang ambulansiya[1] ay isang uri ng sasakyan na ginagamit sa pagdadala ng may-sakit o nasaktang mga tao. Karaniwang pinupuntahan ng nagmamaneho nito ang mga tao kung may emerhensiya para dalhin sa ospital. Katulad ng mga emerhensiya ang pagkakaroon ng isang tao ng mga nabaling-buto, sakit sa dibdib, seryosong pinsala sa ulo, at mga taong nasaktan dahil sa mga sakunang katulad ng banggaan ng mga behikulo.

Kalimitang may iba pang mga tauhang lulan ang mga ambulansiya, katula ng mga teknikong medikal na pang-emerhensiya (o mga EMT) at mga paramediko, na kapwa mga sinanay para magbigay ng mga pangangalagang pang-emerhensiya at mga paraan ng panggagamot sa taong nasaktan o may karamdaman, bago pa man makarating sa ospital.

May lulan ding mga espesyal na mga aparatong katulad ng mga depibrileytor, istretser, ECG, mga nakasasagip-buhay na mga gamot, tangke ng oksiheno, at iba pa.

Karaniwang nakatatawag ng ambulansiya sa pamamagitan ng pagdayal ng espesipikong numerong pang-emerhensiya, na iba-iba sa bawat bansa. Sa UK, matatawagan ang 999; 911 sa Estados Unidos; at 112 sa Europa.

Ambulansiyang panghimpapawid

[baguhin | baguhin ang wikitext]

May mahalagang tungkulin din ang mga ambulansiyang panghimpapawid (air ambulances) nitong nakaraang mga dalawang dekada, partikular na sa mabilisan at mula sa labas ng lungsod, bayan o nayong mga sitwasyon. Kabilang sa mga ito ang mga helikopter at mga jet na nilalagyan din ng mga ekwipment o aparatong katulad ng makikita sa pangkaraniwang ambulansiyang panglupa. Sa Estados Unidos, mga bantay ng baybayin (coast guard) ang nagpapatakbo sa mga paghahatid ng mga serbisyong nangangailangan ng pampublikong mga panghimpapawid na mga ambulansiya, na ginagamitan ng mga helikopter. Mayroon ding mga pribadong mga kompanyang nagbibigay ng ganitong serbisyo para sa mas malawak na sakop ng pangangailangan, katulad ng internasyonal na pagbibiyahe o paglalakbay.

Mga payak na ambulansiya

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Sa kanayunan sa Pilipinas noong mga dekada ng 1970, ayon sa aklat na Doctor to the Barrios ni Dr. Juan Flavier (isa itong aklat na naglalahad ng kaniyang karanasan habang kaugnay pa ng Philippine Rural Reconstruction Movement), nagsilbing pansamantala, payak at hindi-mamahaling ambulansiya ang isang karetang hinihila ng kalabaw para madala ang isang may malubhang karamdaman sa pagdadalahang ospital. May nakakabit na mga hinating kawayan sa bawat sulok ng kareta at tinalian ng duyang yari sa kumot lamang. Sa duyan naisakay ang pasyente na komportable naman dahil natatanggap ng mga kawayan ang anumang puwersang hinahatid sa kareta ng mga malulubak na daan.[2]

  1. English, Leo James (1977). "Ambulansiya". Tagalog-English Dictionary (sa wikang Ingles). Congregation of the Most Holy Redeemer. ISBN 9710810731.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  2. "Ambulance, p. 139". Flavier, Juan M., "Doctor to the Barrios" (New Day Publishers). 1970.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link)

Mga panlabas na kawing

[baguhin | baguhin ang wikitext]