Hormona
Ang mga hormona o hormon (Ingles: hormone, bigkas: /hor-mown/; (mula sa Griyegong ὁρμή, "impetus" na ang ibig sabihin ay "isang pinagmumulan ng motibasyon") ay mga kemikal na ginagawa ng sari-saring mga glandula na nasa loob ng katawan na pumapasok sa daloy ng dugo at nangangasiwa o umaareglo sa pisyolohikal na pag-andar o mga tungkulin.[1] Ang mga kemikal na ito ay ginagamit para sa pagmemensahe sa mga organismong maraming mga selula (multiselular). Bawat organismong multiselular ay gumagawa ng mga hormona. Ang mga selula na tumutugon sa isang uri ng hormona ay mayroong mga natatanging reseptor para sa hormonang iyon. Kapag ang hormona ay dumikit sa protina ng reseptor, isang mekanismo para sa pagsignal ang nabubuhay o nagiging aktibo.
Ang mga mensahe o pabatid ay maaaring ipadala sa malalapit na mga selula o sa malalayong mga selula. Kapag gustong magpadala ng isang mensahe ng isang selula papunta sa isang malapit na selula, inilalagay ng selulang nagpapadala ang hormona sa loob ng tisyung nasa paligid nito. Kung ang isang selula ng isang hayop ay nais na magpadala ng isang mensahe papunta sa isang selulang malayo, inilalagay ng nagpapadalang selula ang hormona sa dugo. Kapag ang isang hormona ay inilagay sa loob ng dugo, pumupunta ito sa lahat ng mga bahagi ng katawan ng hayop. Kung minsan, ang selulang nakatanggap ng mensahe ay maaaring ang selulang iyon din na gumawa ng hormona (at nagpadala ng mensahe). Ang selula o tisyu na nakakuha ng mensahe ay tinatawag na puntiryang selula o pinupukol na selula (target cell).
Maraming iba't ibang mga selula ang maaaring magpadala ng isang mensahe. Mayroong ilang mga uri ng mga selula na ang pangunahing trabaho ay ang lumikha ng mga hormona. Kapag marami sa mga selulang ito ay magkakasama sa isang lugar, tinatawag itong glandula (gland). Ang mga glandula ay mga pangkat ng mga selula na gumagawa ng isang bagay at nagpapakawala ng nagawa nilang bagay (inilalagay ito sa labas ng selula). Ang ilang mga glandula ay gumagawa ng mga hormona.
Ang endocrine o endokrina ay nangangahulugan na ang isang bagay ay ginawa ng mga selula at pinakawalan papaloob sa dugo o tisyu. Kaya't ang mga glandulang endokrina ay nagbubuo ng mga hormona at pinakakawalan ang mga ito papunta at papasok sa dugo o tisyu. Ang kabaligtarang salita ay exocrine o eksokrin na nangangahulugang pinakakawalan sa labas ng katawan. Ang isang halimbawa ng eksokrin ay ang mga glandula ng pawis o mga glandula ng laway. Kapag binabanggit ng mga tao ang endocrine, karaniwang nilang ibig sabihin ay "mga glandulang gumagawa ng mga hormona".
Mga sanggunian
[baguhin | baguhin ang wikitext]- ↑ Harmatz, Morton G. at Melinda A. Novak. Glossary, Human Sexuality, Harper & Row Publishers, New York, 1983, pahina 561.