Pumunta sa nilalaman

Mapa ng mundo

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Mapang pangkasaysayan na ginawa ni Ortelius, 1570 CE.

Ang isang mapa ng daigdig o mapa ng mundo ay isang mapa ng kalatagan o ibabaw ng Daigdig, na maaaring gawin sa pamamagitan ng anuman sa ilang dami ng iba't ibang mga paglalapat, pagguhit, at pagpapakita na nakamapa (proyeksiyon ng mapa). Ang isang paglalarawang pangmapa ay anumang mga pamamaraan ng pagkakatawan o representasyon ng ibabaw ng isang bilog o katawang mayroong tatlong dimensiyon sa ibabaw ng isang kapatagan (patag na ibabaw).[1]

Ang mga mapa ng daigdig ay bumubuo ng isang naiibang kategorya ng mga mapa dahil sa suliranin ng proyeksiyon. Ayon sa pangangailangan, ang mga mapa ay nakapagpapalihis ng presentasyon ng ibabaw ng mundo. Ang mga distorsiyon o paglihis ay umaabot sa kalabisan sa loob ng isang mapa ng daigdig. Ang maraming mga kaparaanan ng paglalarawan ng daigdig ay nakapagpapamalas o nakapagpapasalamin ng sari-saring mga layunin teknikal at estetiko para sa mga mapa ng mundo.[2]

Ang mga mapa ng daigdig ay namumukod-tangi dahil sa kinakailangang kaaalaman sa daigdig upang mabuo ang mga ito. Ang isang makabuluhang mapa ng daigdig ay hindi maaaring mabuo bago ang pagsapit ng Renasimyento sa Europa dahil sa mababa pa sa kalahati lamang ng mga dalampasigan ng mundo, pati na ang mga rehiyong panloob, ang nalalaman ng anumang mga kulturang umiiral noon. Naiipon na ang bagong mga kaalaman hinggil sa ibabaw ng daigdig magmula noon at nagpapatuloy pa magpahanggang sa kasalukuyan.

Sa pangkalahatan, ang mga mapa ng daigdig ay nakatuon sa mga katampukang pampolitika o kaya sa mga katampukang 'pisikal'. Ang mga mapang pampolitika ay nagbibigay ng diin sa mga hangganang pangteritoryo at mga pamayanan ng tao. Ang mga mapang pisikal naman ay nagpapakita ng mga tampok na pangheograpiya na katulad ng mga bundok, uri ng lupa o paggamit ng lupa. Ang mga mapang pangheolohiya ay hindi lamang nagpapakita ng ibabaw, subalit pati na rin ng mga katangian ng mga batong nakapailalim, mga guhit na kapintasan (kapintasang pangheolohiya), at mga kayariang nasa ilalim ng kalatagang nasa ibabaw.

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. Snyder, John P. (1989). An Album of Map Projections. Denver: U.S. Government Printing Office. p. 5.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  2. American Cartographic Association's Committee on Map Projections (1988). Choosing a World Map. Falls Church: American Congress on Surveying and Mapping. pp. 1–2.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)

Mga kawing na panlabas

[baguhin | baguhin ang wikitext]
Wikibooks
Wikibooks
Mayroon sa Wikibooks ng patungkol sa Mapa ng mundo.